Mabait na anak si Nica. Mabait din siyang ate sa kaniyang mga kapatid. Buhat ng pumanaw ang kaniyang ama ay siya na ang tumulong na magtaguyod sa kanilang pamilya. Walang sawa siyang nagtatrabaho at nag-aasikaso sa kaniyang pamilya. Nakapagpundar na rin siya ng isang maliit na sari-sari store para kahit papaano ay mayroong mapaglibangan ang kaniyang ina. Samantalang ang kaniyang apat na mga kapatid naman ay nagsusumikap bilang iskolar sa kani-kanilang pag-aaral.

Masaya rin si Nica sa kaniyang trabaho at talaga namang mahal na mahal niya ang kaniyang ginagawa sa araw-araw. Isa na sa mga malapit sa kaniyang puso ay si Nanay Liza na madalas niyang nakikitang matamlay at malungkot. Nais niya itong tulungan kung kaya naman nakasanayan na niya itong ipasyal sa hardin araw-araw upang makalanghap man lamang ng sariwang hangin. Ito na rin ang naging paraan nila upang makapagkwentuhan ng kani-kanilang buhay.

Minsan pa ay naikwento din ni Nanay Liza kay Nica na matatagumpay na ang kaniyang mga anak. Mayroon siyang anak na isang doktor, isang inhinyero, at arkitekto na mayroon na ring kani-kaniyang mga pamilya. Ngunit mas minabuti pa nila na ipadala siya sa home for the aged, kahit nga dalawin siya ay hindi nila magawa.

“Nalulungkot ako Nica. Matagumpay man sa buhay na maituturing ang aking mga anak ngunit bakit pakiramdam ko ay tila hindi nila ako kayang pahalagahan o bigyan man lamang ng pang-unawa at pagkalinga. Naging mabuti naman akong ina sa kanilang lahat!”, maya maya ay napansin ni Nica na pumapatak na ang luha ng kawawang matanda.

“Huwag na po kayong malungkot Nanay Liza. Malay nyo po bukas dumalaw na sila sa inyo? Baka po medyo abala lamang po sila sa kanilang mga trabaho o pamilya pero naaalala ka po ng mga iyon.”, pilit niyang pinapakalma ang kawawang matanda.

Lumipas pa ang ilang araw at pinilit ni Nica na tulungan ang matanda at libangin sa araw-araw niyang pagpasok. Madalas nga ay dinadalhan pa niya ito ng mga pasalubong o di kaya naman ay mga ulam na siya mismo ang nagluluto. Minsan pa nga ay sabay silang kakain sa isang mesa sa hardin na madalas nilang pinapasyalan.

Isang araw ay masayang-masayang papasok si Nica sa kaniyang trabaho at mayroon din siyang pasalubong na prutas para sa kaniyang kaibigan na si Nanay Tess. Ngunit laking gulat na lamang niya ng malaman na pumanaw na pala ito. Pumanaw ang matanda sa edad na 78 taong gulang. At talaga namang ikinalungkot ito ni Nica dahil sa naging malapit na din sa kaniya si Nanay Liza. Ganun pa man, ipinanalangin na lamang niya ito ng taimtim at inalayan ng mga kandila at mga bulaklak.

Isang araw ay mayroong dumating na abogado sa kanilang pinagtatrabahuhan at nais makausap si Nica. Lingid sa kaniyang kaalaman ay napakarami pa lang ari-arian at kayamanan ng matanda. At bago ito pumanaw ay pinamanahan pala siya nito ng malaking halaga ng salapi at isang liham na nagsasabi ng pasasalamat ng matanda sa napakabuting pagtrato nito sa kaniya.