Hindi na lingid sa ating kaalaman ang mga taong kung tawagin ay “identical twins”. Ang magkapatid na ito ay kambal kung tawagin at talaga namang magkamukhang-magkamukha sila ng mukha, bibig, ngipin, ilong at mga mata. Aakalain mo nga na tila pinagbiyak na bunga sila dahil walang makikitang kaibahan sa mga identical twins. Ngunit kahit pa sila ay tinuturing na “identical” tiyak na magkakaroon pa din ng pagkakaiba pagdating sa kanilang pag-uugali.


Malaki ang posibilidad na hindi magiging magkamukha ang ugali at personalidad ng mga “identical twins”. Kadalasang nagkakaiba sila sa mga gusto nila sa pagkain, sa sports, sa pananamit at marami pang iba. Kung ang isa ay maingay tiyak na tahimik naman ang isa. Kung ang isa ay mahilig sa libro at pag-aaral tiyak naman na sports ang kinahihiligan ng isa. Hindi nga maipagkakaila na magkamukha man ang kanilang pisikal na anyo ay magkaiba pa rin ang nais nila sa buhay, mga hilig, at gusto.


Tulad na lamang ng magkapatid na MJ at MM. Kung ano nga ang pinagkatulad ng kanilang hitsura ay pinagkaiba naman ng kanilang ugali at personalidad. Tahimik lamang si MJ at hindi masyadong palakibo, samantalang napakadaldal at napakaingay naman ni MM. Palakaibigan si MM at kilala sa kanilang paaralan habang si MJ ay hirap sa pakikipag-usap sa ibang tao.

Pareho silang kumuha ng entrance exam sa kolehiyo ngunit isa lamang ang pumasa sa kanila. At si MJ nga ang pumasa sa kanilang dalawa. Hindi ito inaakala ng marami dahil nga sa tahimik lamang si MJ. Labis na ikinalungkot ito ni MM at talaga namang nagmukmok siya ng sobra. Buong kagalakang sinabi ni MJ sa ama ang pagkakapasa niya sa college entrance exam ngunit mas ginusto ng ama na ipasok si MM sa isang Unibersidad dahil sa ito raw ang mas mahusay sa pag-aaral sa kanilang dalawa.


“This is not a ticket to heaven. Don’t expect too much from it,” ito ang sambit ni MJ kay MM.

“What do you mean by that?”, sagot naman ni MM.

“This is nothing more than a capitalist’s way to make us spend money,” saad naman ni MJ.

Hindi na tumutol pa si MJ at hinayaan na lamang niya si MM na pumasok sa unibersidad. At dahil nga dito ay naghanap na lamang si MJ ng trabaho. Pumasok siya sa construction at nagtrabaho sa cement area. At dahil nga sa kaniyang sipag at pagsisikap, na-promote siya sa laborer patungo sa production hanggang sa marating niya ang research department. Naging napakalaking tulong ni MJ sa kanilang kompanya habang ang kaniyang kakambal naman ay nagpakasasa sa kaniyang mga bisyo. Nagkaroon pa nga ng nobya si MM ngunit iniwan lamang siya nito bandang huli.

Walang wala na si MM kung kaya naman pinatos na niya ang trabaho sa isang construction firm at nag-apply dito. Natanggap siya ngunit laking gulat na lamang niya ng malaman na sa production team pala siya inilagay. Galit na galit at inis na inis siyang nagreklamo sa kompanya at ipinatawag naman siya agad ng direktor ng kompanya. Nang buksan niya ang pintuan ng opisina ng direktor ay halos lumuwa ang kaniyang mga mata nang makita niya ang kaniyang kakambal na si MJ.