Inamin ng aktres na si KC Concepcion na nais muna niyang maikasal bago magkaroon ng mga anak. Ayon sa anak ng Megastar na si Sharon Cuneta, mas gusto niyang magpakasal muna at manirahan kasama ng kaniyang mister bago magkaroon ng mga anak dahil ito ang isa sa kaniyang mga prayoridad.


Sa kaniyang social media account, ibinahagi ni KC ang larawan nila ng kaniyang nobyong si Pierre Emmanuel Plassart. At ito ay nilagyan niya ng caption na “It sure does feel like February. Happy Valentines month, beautiful people!”.


Ang kanilang larawan ay nakapukaw sa atensyon ng maraming mga netizen at ang ilan nga ay hindi na napigilang magkomento kung gaano kagandang tingnan ang magkasintahan. Ayon pa sa ibang mga netizen ay tiyak na magiging maganda at pogi ang kanilang mga magiging anak.


Agad namang sagot ni KC na nawa ay mapangyari nga ang sinabi ng isang netizen na magkaroon sila ng magagandang mga anak ngunit binigyang-diin niya na nais niya munang mauna ang kasal bago mga anak.


Tila hindi lamang si KC ang nag-iisip na patungkol sa kasalan kundi maging ang kaniyang ina na si Sharon Cuneta. Pagbabahagi ng Megastar noong nakaraang taon na sana raw ay si Pierre na ang “The One” para sa kaniyang anak. Saad pa ni Ate Shawie, “I love Pierre. They were together about five years ago before Paulo, and Aly. I love him so much.”


Nang tinanong naman siya tungkol sa pagtunog ng mga “wedding bells” ng kaniyang panganay, agad niyang sinabi na tiyak na sila ang unang makakaalam nito. Batid diumano ng ina na sa kanila unang magsasabi ang anak patungkol sa mga ganitong usapin. Ipinagdarasal din niya na sana ay ito na ang tamang panahon para sa kanila.


Pagbibiro pa ng beterenang aktres at mang-aawit na gustong-gusto na niyang magkaroon ng mga apo sa kaniyang anak at kapag mayroon ng mga anak si KC tiyak daw na ang mga ito ay kikidnapin niyang lahat. Nakilala ni KC si Pierre pitong taon na ang nakalilipas sa isang gala dinner sa Los Angeles.